Magandang hapon. Nakatayo ako sa harap n'yo ngayon, kinakabahan.
Iyan ang isang kahong lagi kong kailangang banggain buong buhay ko.
Ang takot ko sa tao.
LAHAT TAYO AY NAKAKAHON
Kapag nakaharap ako sa maraming tao, pakiramdam ko
ay parang kakainin ako. Noong nag-aaral pa ako sa UP,
naging presidente ako ng UP Writers Club. Pumunta ako
sa harapan upang magsalita. Nag-block out ako. Ilang
minuto akong nakatayo lang sa harapan nila. Wala akong
nasabi. Bumaba na lang ako. Nagtawanan lahat.
Sa Speech 1 class ko sa UP, nakapasa lang ako dahil
kinaibigan ko ang professor namin. Sabi niya, kapag
nagsasalita daw ako sa harapan, panay pa rin ang galaw
ng kamay ko, na parang nagsusulat ako.
Bata pa man ako sa Daet sa Bikol ay ganito na ako,
mahiyain, malakas ang inferiority complex, takot
sa tao. Maski ang Tatay ko (ipinaampon niya ako
sa mga kamag-anak noong limang taong gulang
pa lang ako nang mamatay ang ina ko kaya hiwalay
kami ng tirahan), maski ang Tatay ko, kapag
nakakasalubong ko siya noon sa kalsada, lumiliko ako
upang huwag siyang makasalubong. Siya man, na sobra
ring mahiyain, lumiliko rin. Sa minsan isang linggong
pagpunta ko sa kanya para humingi ng pera, ni wala
pang dalawang pangungusap ang namamagitan sa
amin. Kung iipunin ko lahat ng mga salitang nasabi
sa akin ng ama ko hanggang sa mamatay siya noong
Grade 5 ako, mas marami pa siguro ang mga salitang
bibitiwan ko sa inyo sa hapong ito.
Lagi akong nagbabasa sa maliit na public library noon
upang mawala ang takot ko sa mga tao. Sa mga libro,
nakakasalubong ko lahat ng klase ng tao. At hindi
sila nakakatakot. Nakokontrol ko sila. Nagiging
matapang ako.
Mabuti na lang mabait ang matandang librarian.
Maski bumabagyo o nag-iimbentaryo sila, kumakatok
ako. Pinapapasok niya ako at pinapahiram.
Pag-uwi ko, kapag may nababasa akong portion
ng libro na maganda, pinupunit ko. Feeling ko
kasi, kapag pinagsama-sama ko lahat ng
magagandang portion na napunit ko ay magiging
akin ang pinakamagandang koleksyon.
Nahahalata kaya ng librarian ang ginagawa ko?
Palagay ko! Dahil numinipis ang mga librong
sinosoli ko! Pero in fairness sa kanya, ang nakita
siguro niya sa akin ay isang batang kawawa,
gutom at naghahanap ng makakapitan, takot
sa mundo sa labas, kaya never niya akong sinita.
Hinintay niyang ako mismo ang makakita sa
mali kong ginagawa.
Noon ko na-realize ang isang bagay. Lahat tayo
ay nakakahon. Ako ay nakakahon sa circumstances
ko, sa pagiging ampon at puno ng pangarap na
takot na takot akong hindi matupad. Gusto kong
makapag-aral sa Maynila pero wala daw kaming
pera. Nakakahon din ako sa pagkamahiyain,
sa takot ko sa mga tao. Nakakahon ako sa aming
maliit na bayan sa Bikol.
Tumingin kayo sa palibot. Lahat tayo ay nakakahon.
Ang iba ay ikinahon ng nakalipas, di maka-move on.
Ang iba ay na- friendzone, umaasa pa ring balang
araw ay hindi na siya magiging invisible sa kanyang
best friend. Ang iba nakakahon sa bisyo, ang iba ay
sa sakit, ang iba ay sa ilusyong maganda siya, ang iba
sa paghahahap ng katarungan para sa anak na natokhang.
Iyong batang lansangan na nagra-rugby, iyong laging
binabasted maski sa Grndr, iyong nakakahon sa namatay
na asawang hindi pa rin makalimutan, maski wala na ay
parang katabi pa rin sa pagtulog. Lahat ay nakakahon.
Pinapanganak pa lang ay ikinakahon na tayo ng iba't
ibang tao at institusyon. Huwag kang maglaro ng manika,
baka lumaki kang bakla. Huwag kang makipagkaibigan
d'yan, masamang impluwensiya. Huwag ka sa dilim, may mumo.
Kailangang mataas ang grade mo, tingnan mo ang
mga kaklase mo. Ba't ang itim-itim mo? Magpaputi ka!
Nabubuhay tayong lahat sa isang mundo kung saan
lahat tayo ay nakakahon sa iba't ibang paraan. Ang iba
ay gawa natin dahil sa mga mali nating paniniwala,
at ang iba ay gawa ng ibang tao dahil mas may
kapangyarihan sila sa atin.
Kaya lumalaki tayong mga basag, mga pira-pirasong taong
naghahanap ng pagkabuo. Naghahanap ng paraan
upang makalaya sa kahon.
Maging ang mga bida sa mga librong binabasa ko noon
sa library, nakakahon sila. Kaya may problema sila. Kaya
may kuwento sila. Si Batman na nakakahon sa patuloy na
pagliligtas ng ibang tao dahil hindi na niya kailanman
maililigtas ang mga magulang na noong bata pa ay nakita
niyang pinatay sa harapan niya. Si Ginny sa Starting Over
Again na naniniwalang hindi pa rin nagbabago si Piolo na
sinaktan niya noon. Si Karl sa UP na naniniwalang puwede
siyang mabuhay habang buhay na ang kapiling lang ay ang
alaala ng namatay na asawa sa loob ng kanyang bahay.
Si Pokwang sa Oda sa Wala na mas kaibigan pa ang patay
kaysa sa mga buhay. Si Elsa sa Himala na lumaking putok sa
buho, gustong matanggap siya ng tao, kaya gumawa ng himala.
Kayo, lahat tayo dito, nakakahon.
KAILANGANG BANGGAIN ANG KAHON
Noong fourth year high school, matapos na matapos ang
graduation ko, matapos akong magbigay ng speech bilang
valedictorian, binangga ko ang kahon. Kasama ng apat na
mahihirap ding kaklase, sakay ng bus, baon ang 50 pesos na
bayad sa kaunaunahan kong short story na napublish sa
Pilipino Free Press, dala-dala ang nakabalot na daing na pabaon
ng mga teacher namin, lumayas kami ng daet.
Hindi namin alam kung anong naghihintay sa aming kapalaran sa
Maynila, kung saan kami titira, kung anong trabaho ang
mapapasukan namin. Basta nakalaya kami. Binangga namin ang kahon.
Lahat ng kuwento ay tungkol sa kahon, at sa pagbangga
sa kahon. Walang kuwento kung walang pagbangga.
Sa Para Kay B, lahat ng mga babaing bida doon,
pati na rin si Lucas, ay bumabangga sa mga kahon
ng social forces sa palibot nila na humaharang sa kanila
upang magkaroon ng tunay na pag-ibig. Ang kahon
sa kaso ni Erica ay ang baluktot na gamit ng
kapangyarihan ng media. Sa kaso nina Ester at
AJ ay ang kahon ng maling paniniwala tungkol
sa gender. Sa kaso nina Bessie at Lucas ay ang
political forces sa palibot. Sa kaso ni Irene
ay ang mga sugat na dala ng kahon ng alaala.
May isang short story akong sinulat noon,
ang Kabilang sa mga Nawawala. Tungkol kay
Jun Jun, na paggising ay natuklasan niyang
naging invisible siya. Ang buong kuwento ay
tungkol sa paghahanap niya sa kanyang katawan.
Malalaman niya na isa pala siyang desaparecido,
dinukot sa mga aktibista niyang magulang noong
bata pa siya. Di niya mahanap-hanap ang sarili
niyang katawan dahil di niya pa alam ang kanyang
kasaysayan. Makakalaya lang siya at mabubuo ang
kanyang pagkatao kapag nalaman na niya ang
kanyang nakalipas na kasaysayan, na ipinagkait
sa kanya ng isang estadong sumisikil sa karapatan
ng mga tao.
PAANO MAKAWALA SA KAHON
Matapos makalayas sa Bikol noon, nagsulat ako
ng mas marami pang short stories, journalistic
pieces, at hindi nagtagal ay script para sa pelikula
at sa TV. Hindi pa rin nawawala ang takot ko sa
mga tao maski nasa mundo na ako ng showbiz.
Umiiwas akong umattend sa mga party.
Kinakabahan ako kapag magpi-pitch kami
sa management. Takot ako sa mga malalaking
okasyon na gaya ng awards night. Kapag
napipilitan akong umattend, sisiguraduhin
kong may kasama ako pagpasok.
Pero may natutunan na akong gawin. Kapag natatakot
ako sa isang tao, inilalagay ko siya sa kuwento.
Ikinakahon ko siya. Sa ganoon ay nakokontrol ko siya.
Halimbawa, noong magsimula akong magtrabaho
bilang waiter sa D'Marks bago ako nakapagsimulang
mag-college, takot na takot ako sa boss naming
mataba na Espanyol. Pizza parlor 'yung D'Marks
at madalas akong magkamali, kaya lagi akong
napapagalitan ng boss namin. Kaya ang ginawa ko,
ginawa ko siyang character sa isang kuwentong
sinusulat ko. Diyan ka. Ako lang ang
makakapagpagalaw sa'yo. Ikinahon ko siya.
Ang mga pulis, ang mga asendero, ang mga tiyahin,
ang mga multong kinatatakutan ko, ipinapasok ko
sila sa mga kuwento, ikinakahon ko sila.
Nang makulong ako noon nang isang taon sa Fort
Bonifacio noong Martial Law. umubo ako ng dugo
at kinailangang maospital nang tatlong buwan.
Gumaling ako at ibinalik sa kulungan. Pero nagrelapse
ako at umubo uli ng dugo. Nag-apela kami upang
maibalik ako sa ospital. Pinakinggan naman ang
apela namin. Isang hapon ay ipinatawag ako sa
guardhouse. May matabang Colonel doon. Ikaw
ba si Ricky Lee? tanong niya. Opo. Iyong writer?
Opo. Umuubo ka raw ng dugo? Opo. Sige nga,
umubo ka nga ng dugo. Sandali po. Umubo ako
pero walang lumalabas na dugo. Mga sinungaling
talaga kayong mga aktibista kayo, sabi ng Colonel.
Hindi po, totoo po! Sandali lang po! Nag-concentre
ako. Saka umubo uli ako nang umubo. Wala pa ring
lumabas. Binetray ako ng katawan kong dati naman
ay sagana kung umubo ng dugo! Kayo talagang mga
aktibista kayo, mga sinungaling kayo! sabi ng Colonel.
Hubarin mo nga 'yang Tshirt mo, huwag kang sumandal
diyan sa pader, kunan n'yo nga ang sinungaling
na ito!
Years later, sa mga sinusulat ko, maski sa unang nobela
kong Para Kay B, kontrabida ang mga colonel. Ayon
sa mga libro tungkol sa pagsusulat, dapat ay three
dimensional ang mga character. Pero sa akin, laging
black and white pagdating sa mga sundalo at Colonel.
Sa Para Kay B, ang character ni Lucas ay ibinase ko sa
tunay kong buhay. Ampon ng mga kamag-anak, lumaki
sa hirap, lumayas, nakaamoy ng kahirapan sa mga
lansangan ng Maynila, gustong maging manunulat.
At gaya ko, ikinakahon din ni Lucas ang mga tauhan niya
upang mabago niya ang mga pangyayari. Nananalig siya
sa kapangyarihan ng mga salita.
Pero sa huli ay nakulong din siya, sa loob ng letrang B.
Sa hindi niya nakuhang pagmamahal ni Bessie. May
limitasyon ang kapangyarihan ng kuwento. Mas
komplikado ang tunay na buhay.
Pero ang paggawa ng kuwento ay isa pa ring mabisang
paraan upang makawala tayo sa kahon. Gaya ni
Amapola sa napanood n'yong video clip kanina,
na nakakulong sa mababang pagtingin ng mga tao
sa kanya bilang isang baklang manananggal. Kaya
gumawa siya ng alamat ng bakla. Si Jon Santos man,
sa kanyang mga stand up shows, sa pamamagitan ng
pagpapatawa ay binabangga niya ang mga issues sa
palibot na kumakahon sa atin.
Si Elsa, sa isa pang video clip kanina, gusto niyang
maging imortal sa pamamagitan ng mga kuwentong
ikukuwento ng mga tao tungkol sa kanya kapag
kinunan siya ng pelikula ni Orly. Pinalalaya tayo
ng mga kuwento.
BAKIT TAYO NAGKUKUWENTO?
May isang anecdote akong madalas ikuwento tungkol
kay Nora Aunor. Minsan habang sakay ng van si Nora,
may pulubing bulag na katok nang katok sa bintana
ng van, namamalimos. Binuksan ni Nora ang bintana.
Pagkakita kay Nora ay napasigaw ang pulubing bulag.
Ay si Ate Guy!
Sabi ko kay Guy nang ikuwento niya ito sa akin,
naghimala ka, Guy! Si Kuya naman! sagot niya.
Dalawa ang dahilan kung bakit tayo nagsusulat ng
kuwento. Una ay upang matulungan nating makakita
ang bulag. Araw-araw ay nakikita natin ang mga
karahasan sa palibot, o kaya ay ang kabutihan ng
ating mga magulang. Kaya hindi na natin nakikita.
Namanhid na tayo. Ang mga batang lansangan,
ang mga katiwalian sa palibot, ang mga kasamaan
man o ang mga kabutihan, lagi nating nakikita,
kaya hindi na natin nakikita. Sinusugatan ng mga
kuwento ang ating mga mata upang luminaw uli
ang ating mga paningin. Upang makawala tayo
sa kahon ng pagkabulag.
Ikalawa, nagkukuwento tayo upang ilantad ang mga
nagpapanggap, ang mga peke, na gaya ng pulubing
bulag. Sa panahon ngayon ay hindi mo na alam kung
ano ang totoo o hindi, ano ang kabutihan at kung ano
ang katotohanang gawa-gawa lamang ng iba upang
lalo tayong mapagsamantalahan. Ipinapakita sa
atin ng mga kuwento ang katotohanan sa likod
ng mga katotohanan.
Nang anyayahan ako ng PUP na magsalita sa hapong
ito, tinanong ako kung anong gusto kong paksa.
Sabi ko, gusto kong magsalita tungkol sa paggawa
ng kuwento. Dahil higit sa alin pa mang panahon,
palagay ko'y ngayon natin lalong kailangan ang mga
kuwento.
Ang pagkukuwento ay tungkol lagi sa pagpapakatao.
Tungkol sa kung ano ang humaharang at nagkakahon
sa atin upang huwag tayong maging mga buong tao.
Kaya lahat ng kuwento ay tungkol sa paglabag sa
karapatan ng tao. Ang mga inaaping manggagawa,
ang asawang minamaltrato, ang anak na pinalayas
dahil bakla, ang umiibig na nasaktan, ang ginawang
puta o kriminal ng kahirapan, ang inagawan ng lupa,
ng karapatan, ng kalayaan, lahat sila ay nakakahon at
kinakailangang bumangga sa kahon upang maging
buong tao. Sinasabi ng bawat kuwento sa atin na tao
ka, huwag kang pumayag na bawasan nila maski isang
pulgada ang pagkatao mo. Kaya lahat ng kuwento ay
politikal.
Minsan ay masarap ang mabuhay lang sa loob ng ating
mga kahon. Naniniwala at nag-iilusyon na lahat ay tahimik
at ligtas. Maski nakikita na natin ang panganib na idinudulot
sa iba. Naririnig na natin ang sigaw at paghingi ng saklolo
ng mga nasa labas pero komportable na tayo sa loob
ng ating mga kahon. Kapag lumakas ang mga sigaw ay
pinakakapal lang natin ang mga pader ng ating kahon.
Ikinakandado lalo natin ang pinto. At para maging mas masaya,
kinukulayan natin at ginagawan ng iba't ibang disenyo ang loob
at labas ng kahon. Binabago natin nang konti ang porma,
patrianggulo, patagilid, pabulusok, para maaliw tayo.
Nilalagyan natin ng maraming ingay ang loob ng kahon upang
huwag nating marinig ang nangyayari sa labas.
Ang pinakadelikadong paraan ng pagkabuhay ay ang
mabuhay sa sariling kahon. Inilibing mo na ang sarili
mo maski humihinga ka pa.
Sa pinakahuli kong nobela na Bahay ni Marta, napilitang
magsalita ang isang bahay, at magkuwento ang isang
piping bata, dahil ang mga taong nakakapagsalita sa
palibot nila ay hindi nagsasalita. Alam ng bahay ang
panganib ng pagkukuwento. Sa bawat pagkukuwento
niya ay unti-unti siyang namamatay. Pero kailangan
niyang ikuwento ang mga nangyari sa bahay na iyon.
Sana ay huwag dumating ang ganoon sa atin, na pati
ang bahay ay matutong magsalita.
Ngayon ay nabubuhay tayo sa isang lipunang pinawawalangbisa
ang ating mga karapatang pantao, ikinukulong tayo sa mga
kahon ng karahasan, ng mga walang saysay na pagpatay,
ng pagsamba sa kolonyal na pag-iisip, isang lipunang
ipinagbabawal ang mga kuwento ng ating nakalipas,
pati na rin ang mga kuwento ng ating kasalukuyan.
Ngayon higit kailanman ay kailangan natin ang mga
kuwento. Ngayon higit kailanman ay kailangan natin
tulungang makakita ang mga bulag, at ilantad ang
mga nagpapanggap. Kailangang buksan natin
ang ating mga mata, palayain natin ang ating mga
diwa, banggain natin ang mga kahon. Kailangan
nating magkuwento.
***************